Category Archives: Short Story

WALANG DUNGIS

young girl

Araw ng Biyernes noon,  habang nagbibihis si  Elena’y kumakanta’t sumasayaw ito. Half-day lamang ang kanilang pasok sa dahilang may gaganaping pagtitipon sa school nila sa bandang hapon. Matapos maisuot ang PE uniform ay masiglang binuhat nito ang kanyang bag, lumabas ng kanyang kwarto, at tinungo ang kanilang kusina.

Nakahanda na sa mesa ang agahan nilang mag-anak subalit wala doon ang kanyang ama’t ina at ang kanyang bunsong kapatid na si Christian. Kadalasang sabay-sabay silang kumakain sa umaga at pagkatapos ay sabay naman silang lalabas ng bahay ng amang namamasukan bilang isang driver.

Bigla niyang naiisip na ng nagdaang gabi ay may sinat si Christian at masakit ang tiyan. Pagkalapag ng bag sa sahig ay umakyat s’ya sa ikalawang palapag ng kanilang bahay at pinuntahan n’ya ang kwarto ng kapatid nagbabakasakaling nandoon nga sila.

Tama ang kanyang kutob, nandoon ang kanyang ama’t ina. Akma sanang itutulak ni Elena ang nakaawang na pinto subalit nadinig niyang parang umiiyak ang kanyang nanay. Minabuti niyang huwag na lamang pumasok. Tahimik siyang nagmanman at nakinig.

“H’wag kang mag-alala, maghahanap ako ulit ng trabaho.” Wika ng ama.

“Kung kaylan pa naman kaylangan natin ng pera saka ka nawalan ng trabaho. Ngayon pa namang kaylangan na nating dalhin si bunso sa hospital. Mauubos ang kaunting ipon natin kapag nagkataon.”

Hindi na tinapos ni Elena ang sinasabi ng ina. Nangingilid ang luhang kinuha ang bag at minabuti nitong umalis na lamang nang hindi nagpapaalam sa mga magulang. Hindi na ito nakakain ng almusal.

Nilakad na lamang ni Elena hanggang sakayan ng jeep. Hindi na kasi siya humingi ng baon at batid niyang kukulangin ang kanyang pera kapag nag-trycylce pa ito papunta sa labasan.  Maagang namulat si Elena sa tunay na kalagayang ng kanyang pamilya kaya’t minsan kapag may naitatabi s’yang pera mula sa kanyang baon ay hindi na ito humihingi pa sa kanyang mga magulang.

Habang binabagtas ng nasakyang jeep ang daan papunta sa kanilang eskwelahan ay naisip ni Elena ang may-sakit nitong kapatid at ang abang kalagayan ng kanilang pamilya. Mahina lamang ang kita ng kanyang ama sa pagmamaneho. Ni hindi nga s’ya maibili ng bagong cellphone. Mabuti na lamang at hindi  na nila kaylangang mangupahan sa dahilang minana ng kanyang ama ang lumang bahay ng kanyang lolo’t lola. May maliit din silang tindahan na ang kinikita’y pandagdag nila sa gastusin. Kaya nga kahit gusto siyang papasukin ng kanyang mga magulang sa isang pribadong eskwelehan ay mas pinili niyang sa public school na lamang mag-aral. Inisip niyang kapag nag-hayskul ay saka na lamang siya mag-private. Subalit sa nasaksihan niya ng umagang iyon ay baka mas naisin niyang manatili na lamang sa pinapasukang eskwelahan hanggang Senior High. Naiisip n’ya minsan na kung marami lang sana silang pera.

Nang malapit na siyang bumaba ay may napansin siyang plastic bag sa kanyang paanan. Siya lamang ang pasahero noon. Sinilip n’ya ang laman nito. Nagulantang siya sa nakita. Pera ang laman ng plastic bag…maraming pera.

Tumingin s’ya sa driver. Busy ito sa pagmamaneho. Hindi pansin kung ano man ang ginagawa n’ya sa likuran.

Dali-daling inilagay ni Elena sa kanyang bag ang platic na may lamang pera. Kinabahan s’ya. Noon lamang s’ya nakakita’t nakahawak ng ganun kadaming pera. Hindi n’ya malaman ang gagawin.

Pagkababa ng dyip ay hindi muna dumiretso sa school si Elena. Pumasok ito sa isang kalapit na karinderya na madalas nilang kainang magkakaklase.

“O Elena, ang aga mo yata, kakain ka ba anak?” Ang salubong sa kanya ng may-ari ng karinderya.

“Hindi po aling Susie. Gagamit lang po sana ako ng CR n’yo kung pwede.”

“Aba’y oo naman anak. O bilisan mo lang at baka ma-late ka.”

.”Opo. Salamat po.”

Pagkapasok sa CR ay inilabas ni Elena ang napulot na plastic bag.Tiniyak muna nitong nakasarado ang pinto bago ibinuhos sa nakitang planggana ang laman nito. Doon tumambad sa kanya ang laman ng plastic bag…bukod sa mga bungkos ng pera ay may isang sisidlan na may lamang maliliit na batong kumikinang.

Kabado man ay umandar ang kanyang imahinasyon. Naisip n’yang makakabili na s’ya ng bagong cellphone. Makakalipat na s’ya sa isang private school pagtungtong n’ya ng Grade 7 sa susunod na taon. May pera nang magagamit na pampahosipital kay Christian. Hindi na mag-aalala ang kanyang ina. Mapapalaki nila ang kanilang tindahan. Maari ding bumili ng sariling taxi ang kanyang ama upang hindi na ito mamasukan. Mukhang ito na ang pagkakataong makakaahon sila sa hirap.

“Anak, okay ka lang ba?”

Nagulat si Elena nang marinig ang boses ni Aling Susie. Nahimasmasan ito.

“Ah…eh…okay lang po ako. Palabas na po ako.”

“Dalian mo anak baka ma-late ka na.”

“Sige po.”

Habang ibinabalik ni Elena sa bag ang ibinuhos sa planggana ay napansin nito ang isang ID at calling card. Binasa n’ya iyon at inisip n’yang marahil ay pangalan iyon ng taong nakaiwan ng plastic bag sa jeep.

“Salamat po Aling Susie. Papasok na po ako.” Wika ni Elena nang makalabas ng CR.

“Sige anak. Tortang talong nga pala ang ulam mamayang tanghali. Kain kayo dito ha.”

Tumango lamang si Elena at dali-daling lumabas ng karinderya. Habang pumapasok ng gate ng school nila ay muli n’yang naisip ang kanyang kapatid na dadalhin sa hospital at ang eksenang iniwan n’ya sa bahay…ang umiiyak n’yang ina at ang ama n’yang nawalan ng trabaho.

Nagpasya si Elena na gawin ang dapat n’yang gawin.

**********

  Kinagabihan ay sumunod s’ya sa hospital na pinagdalhan kay Christian. Kinaylangang operahan ang kanyang kapatid dahil malapit na palang pumutok ang appendix nito. Tagumpay naman ang operasyon. Tulog na si Christian, ganun din ang kanyang ama’t ina. Tanging si Elena lamang ang gising. Pinagmamasdan n’ya ang kanyang kapatid at masuyong hinahaplos ang kanyang noo.

Maya-maya’y may mga katok na maririnig sa pintuan ng kwarto nila sa hospital. Nagising ang kanyang ama’t ina, Tumayo ang una at binuksan ang pintuan. May dalawang pulis na pumasok, kasama ang kanilang school principal at isang mama.

Sinalubong ni Elena ang mga ito at isa-isang pinagmanuhan ang mga dumating.

Takang-taka ang kanyang mga magulang. Natingin kay Elena ang kanyang ina at sinabing, “Anak, ano ba ang ginawa mo, bakit sila nandito?”

Ang school principal nina Elena ang sumagot, “Naku Gng. Reyes, wala pong problema, nandito po kami para lang samahan si Mr. Wong. Gusto n’ya kasing pasalamatan ng personal si Elena.”

“Para saan po?” Ang tanong ng ama ni Elena.

“Kasi, iyang si Elena eh napulot iyong plastic bag na naiwan ni Mr. Wong sa dyip. May lamang pera at mga mamahaling dyamante. Milyon po ang halaga.”

Halos matulala ang mga magulang ni Elena.

“Hija, bakit wala kang sisanabi sa amin?” Tanong ng ama.

“Nakallimutan ko lang po.”

Kinamayan ng dalawang pulis at ni Mr. Wong ang mga kamay ng mga magulang ni Elena. Pagkatapos ay niyakap s’ya ng kanyang naluluhang ina.

Nagsalita si Mr. Wong. “Kahanga-hanga ang inyong anak. Napakaswerte ninyong mga magulang n’ya. Ano ba sikreto ng pagpapalaki n’yo sa kanya? Ituro n’yo nga sa akin.”

Ngumiti’t nagkatinginan ang mga magulang ni Elena.

“Hindi po namin alam. Basta lumaking may isip at mabait ang batang iyan.” Tugon ng ina ni Elena.

“Ay s’ya nga pala. Binanggit sa akin ni Elena kanina sa opisina nang ibinigay n’ya sa akin ang napulot n’yang plastic bag na dadalhin n’yo nga daw sa hospital itong bunso n’yo. Iniyakan din ako nitong bata at sinabing nawalan ng trabaho ang tatay n’ya. Kaya itong si Mr. Wong eh…”

“Ako na po ang bahala sa bayad ng anak n’yo dito sa hospital. At tanggapin n’yo po itong kaunting cash na ito.” Ang dugtong ni Mr. Wong.

“Ay naku h’wag na po.” Wika ng ama ni Elena.

“Naku Mr. Reyes! Walang bagay po ‘yan. Hindi n’yo lang alam kung gaano kalaki ang halaga ng isinauli sa akin ng anak n’yo. Kaya tanggapin n’yo ‘yan, kulang pa iyang kung tutuusin.”

Lumapit ang ama ni Elena kay Mr. Wong at kinamayan ito, “Ay s’ya maraming Salamat po.”

“At heto nga po pala ang calling card ko. Puntahan n’yo ako sa jewelry store ko bukas mismo dahil kaylangan ko ng driver. Kaya nga ako nag-dyip kaninang umaga dahil bigla na lamang nag-resign iyong driver ko.”

“Ho?” Ang halos hindi makapaniwalang wika ng ama ni Elena.

Nang makaalis ang mga bisita nila’y mahigpit na niyakap ng ama’t ina si Elena.

T A K D A

lonesome-man-2.jpg

(A Short Story in Filipino)

S Y N O P S I S

 Hindi tinanggap ni Alfred ang paliwanag ko na ang tao ang gumagawa ng sarili nilang tadhana’t kapalaran. Ang kalahatan ng mga desisyong ginagawa ng isang tao sa  buhay ay magdidikta sa kanyang kakahinatnan at s’ya ring huhubog sa kanyang kinbukasan. Sa sinabi kong iyon ay kinwestyon ng aking kapatid ang pagiging Kristyano ko. Bakit hindi daw ako naniniwala na bago pa man isilang ang tao ay may kapalarang nakaguhit na sa kanyang palad. Naniniwala ang kapatid ko na ang Panginoong Diyos ang nagtatakda nito. Para sa kanya ay nang ang tao’y isilang sinimulang pagulungin ng Lumikha ang gulong ng kanyang kapalaran. Hindi raw kayang pigilin ng tao ang pagikot ng gulong ng kanyang palad, minsa’y papaibabaw siya’t minsan nama’y papailalim.

At nangyari ang isang trahedya sa kayang pamilya…

At sa pagkakataong iyon ay pwedeng sabihin ni Alfred na tila natumbok sya’t nagulungan ng gulong ng kanyang kapalaran. Tila hindi maganda ang nakaguhit na tadhana sa kanyang palad. Ang babaeng sinasamba’t pinakamamahal n’ya ay binawi nang nagpahiram ng buhay sa isang napakasakit na paraan.

Sa gitna ng matinding pagdadalamhati ni Alfred ay tinanong n’ya ako, “Bakit nangyari ito?”

Click on the link below to continue reading…

T A K D A

 

 

 

 

 

 

 

 

 

ROLEX (A short story in Filipino)

rolex

SYNOPSIS

Magkapitbahay sina aling Tessie at aling Cora. Si aling Cora, asawa ng pulis na si mang Nestor, ay nakakariwasa sa buhay habang si aling Tessie nama’y patay na ang asawa at pinagsisikapang buhayin ang mga anak sa pamamagitan ng pagtitinda ng damit sa palengke.

Hindi maganda ang ugnayan ng mag-kapitbahay dahil sa ilang mga isyu, unang-una ay ang napabalitang panliligaw ni mang Nestor kay aling Tessie nang ang huli’y naging balo. Ganun pa man, ang batang anak ni aling Cora na si Girlie ay bestfriend ni Junior, ang bunsong anak ni aling Tesie na may down syndrome.

Isang araw ay ipinatawag ng kapitan ng barangay si aling Tessie dahil sa reklamo ni  aling Cora laban kay Junior. Nawawala ang bagong rolex na inihabilin ng asawa ni mayor kay aling Cora. Ang rolex ay nakatakdang iregalo kay mayor sa kaarawan n’ya.

May nakakita na may pinulot si Junior nang ito’y nasa bakuran nina aling Cora at pinaniniwalaang ito ay ang nawawalang rolex.

Sa harapan ng dalawang pamilya sa barangay ay pipilitin nina aling Cora at ni mang Nestor na ilabas ni Junior at ng pamilya nito ang rolex. Itatanggi ni aling Tessie na nasa kanila ang relo, bagay na ayaw paniwalaan ng nagrereklamong mag-asawa.

Pilit na kukumbinsihin si Junior ng pamilya nito na sabihin  kung napulot nga ba n’ya ang nawawalang rolex o hindi. Aamin si Junior na s’ya ay may napulot subalit ayaw nitong sabihin kung ano iyon. Secret daw nila iyon ni Girlie.

Hahantong sa isang trahedya ang usapin.

(Click on the link below to continue reading…)

ROLEX (Maikling Kwento)

 

%d bloggers like this: