Kimchi, Samgyeopsal, Pyo Haejangguk, atbp. (Part 1)

sam 2

Ang unang pagkain na natikman ko dito sa South Korea ay ang biscuit na skyflakes (hehe)…baon  ko pa galing ng Pilipinas. Hindi agad ako nakakain ng ano mang Korean dish paglapag namin ni sir Ken sa Busan International Airport nong March 2nd (2013). Nilunod kasi ng matinding lamig ang nararamdaman kong gutom kaya’t ang makarating kaagad sa aming tutuluyan sa Gyeongju-si ang aking inisip. Nang makapagayos pa lamang ako ng gamit sa aking apartment saka ako nakaramdam ng gutom at ang skyflakes nga muna ang aking kinain.

Nang sumunod na araw pa lamang nalapatan ang dila ko ng lutong Korean. Orientation namin noon iyon sa isang hotel sa Bomun Lake sa Gyeongju-si. Kimchi-jjigue ang unang Korean dish na natikman ko. Sa harapan ko’y nakahain ang naturang pagkain na napaliligiran ng mga banchan (side dishes), kasama ang matagal ko nang gustong matikman na kimchi. Sa unang kagat ko pa lamang ng kimchi ay nagustuhan ko na ang lasa, mas manghang mas masarap. Mas nasasarapan ako sa lasa nito kung ito’y hilaw at hindi isanasahog sa isang putahe katulad ng kimchi-jjigue.

Matapos naman naming mag-ayos ng aming alien registration card (ARC) ilang araw matapos ang orientation ay dinala naman kami ni sir Rhandy sa isang restaurant at doo’y natikman ko sa unang pagkakataon ang samgyeopsal. Pero parang mas tamang sabihing unang beses kong naranasan  ang samgyeopsal sa halip na sabihing ito’y natikman ko. Sa isang baguhan kasi sa South Korea ay parang isang cultural experience ang makatikim ng pagkaing ito sa unang pagkakataon.

Ang naturang Korean dish (samgyeopsal) ay pork belly na hindi “marinated” at “seasoned.” Basta’t gayat ng maninipis at iihawin mo. Sangkatutak nabancham at mga dahon-dahon ang kasama nito. Kapag luto na’y kukuha ka ng dahon at dito’y ilalagay mo ang naihaw ng karne, hahaluan mo ng kanin at ilang banchan at pagkatapos ay bibilutin mo bago isubo. Pwede rin namang papakin mo na lang ang inihaw na karne.

Asahan mo na na kapag naupo ka sa hapag-kainang Koreano na makakakita ka ng iba’t-ibang uri ng dahon at gulay. S’yempre kasama doon ang kimchi. At ang “amazing” ay kinakain nila nang hilaw ang bawang at berdeng sili na mahaba… may maanghang at merong hindi, pero kadalasan ay maanghang. Dito ko din natikman ang minatamisang bawang…s’ympre matamis ito at lasang bawang.

Nang gabing iyon ako natutong kumain ng maraming hilaw na dahon, sari-sari.  Hindi ko alam kong ano ang mga dahon na iyon. Basta ang alam ko masarap ang lasa, lalo na iyong kalauna’y nalaman kong sesame leaves pala ang tawag. Minsan ay tinanong ko ang aming pinaka-dean sa aming department na nagyayang sa kanila’y kumain. Isinama n’ya kami sa taniman n’ya ng gulay upang mamitas ng kung ano-anong dahon. Tinanong ko s’ya kung papaano malalaman na okay kainin ang isang uri ng dahon. Natawa ako sa kanyang sagot, “Ask the cow.” Ipinaliwanag n’ya sa akin na basta kinakain ng baka ay ligtas kainin ng tao.

Noong pangalawa kong weekend sa South Korea ay isinama naman ako ni sir Jonathan sa palengke ng Gyeongju-si. Dinala n’ya ako sa isang kainan na “eat-all-you can” matapos ang aming ginawang “walking.” Parang isang ordinaryong kainan dlang ito na katulad ng mga matatagpuan sa mga palengke sa Pilipinas.

banchan

Doon ay nakita ang ibat-ibang uri ng bancham, mga 15 hanggang 20 uri yata iyon. Lahat ay tinikman ko. May kasama ding karne at isda pero limited lamang ang pwedeng kainin, kapag sumobra ka sa kuha ay sisimangutan ka ng may-aring ajumma (may edad na babae). Pero pagdating sa bancham ay pwedeng kang kumain “till death do us part.”

%d bloggers like this: