Diyos Ama’t Inang Bayan

INANG BAYAN

Ang bawat mamamayan ay may tungkulin
Na pagmalasakitan ang bayan natin
Kung ayaw gampanan ‘di ka pipilitin
Basta’t irespeto mo at ‘wag laitin

__________

Wala namang sa iyo ay humihiling
Na bansang pinanggalingan ay purihin
Kung ito ay bulok sa iyong paningin
Tumulong ka kaya na ito’y baguhin

__________

Kagalingan ng ibang bansa kung pupurihin
Bakit kabuntot ay batikos sa bansa natin
Kung bayang pinanggalingan ‘di kayang mahalin
Pakiusap naman huwag mo ng alipustain

__________

Palaging may mali, palaging may kulang
Mahirap sundin ang iyong pamantayan
Bakit ang mamuno hindi mo subukan
Lutasin mo ang suliranin ng bayan

__________

Bakit mas piniling lahi mo ay batikusin
Tayo ba’y walang katangiang pwedeng purihin
Nagagalak kang pagka-Pilipino’y kutyain
Mukhang masaya kang sariling lahi’y sumpain

__________

Mga basurang sa balota mo isinulat
Sa iyong pamahalaan sila’y nakatambak
At nakakatawa na ikaw ay nagugulat
Sa kanilang bahong iyo ngayong nalalanghap

__________

May mga kumukupit sa kaban ng bayan
May mga parang batang nagbabangayan
DIYOS na mahabagin kami po’y kaawaan
Matitinong pinuno kami’y biyayaan

__________

Maupo sa pwesto’y nakakahumaling
Para itong alak na nakakalasing
Animo’y droga ito’y nakakapraning
Di mapakali baka pwesto’y agawin

__________

Kapangyarihan kapag minsa’y natikman
Hindi na gugustuhing ito’y bitawan
Gagawin ang lahat manatili lamang
Animo’y tuko kung pwesto ay kapitan

__________

Kandidatura’y milyon-milyon kung gastusan
Sukdulang kitlin ang buhay ng kalaban
Iyan ba ay dahil mahal mo ang bayan
O sa pwesto may matindi kang pakinabang

__________

Mananatili bang pangarap na lamang
Na ang bayang hapis ay mabiyayaan
Ng mga pinunong tunay na lingkod-bayan
Buong tapat magsisilbi sa mamamayan

__________

Lahing kayumangi humayo magkapit-bisig
Bumangon sa guho ng trahedyang humagupit
Debate ay isang uri lamang ng “LIP SERVICE”
Kamay natin ang pakilusin huwag sana bibig

__________

Ang lahing kayumangi sa Diyos nananalig
Sa dagok ng tadhana ay hindi padadaig
Lugmok man at lupaypay tiyak babangong pilit
Sa gumuhong pangarap tagumpay iuukit

__________

Matapos ang trahedyang humagupit sa bayan
Bakit pa sinisilip kung sino ang nagkulang
Bibig ninyo’y itikom itigil ang bangayan
Kung walang itutulong manahimmik na lamang

 __________

Ilang “Napoles” nga kaya ang umikot
Umaligid sa katakam-takam na “pork”
Ilang “Napoles” kaya ang nakidukot
Tumulong kay “YOUR HONOR” sa pangungurakot

__________

Taon-taon “pork” sa kanila’y inihahain
Kanya-kanya ng gayat mga pinuno natin
Taba at laman paghahati-hatiin
Buto’t balat ang ititira sa atin

__________

Nakataas ang kuyom na palad mo Juan
Galit nang mapagtantong ika’y ninakawan
Ngunit Juan kay sarap mo yatang batukan
Dahil ibonoto mo pinunong kawatan

               __________

Huwag asahan ganid na pulitiko
Sila’y mga Kastilang nanatili dito
Sila’y nagkukuwaring mga Pilipino
Ang tingin nila’y alipin pa rin tayo

__________

Wika ni J.F. Kennedy huwag tanungin
Kung ano ibibigay ng bayan sa atin
Bagkus sa sarili atin sanang bulayin
Sa sinilangan ano ang alay natin

__________

Mahirap aminin subalit ang totoo
Nagpabaya at nagkulang din naman tayo
Hindi nga ba’t tayo ang nagluklok sa puwesto
Sa mga tiwali’t ganid na pulitiko

__________

Your honor sa hapag mo alak ay bumabaha
Si Juan nama’y iniinom mapapait na luha
Your honor sa yaman sa yate ka humihilata
Habang si Juan nanaghoy sa baha namamangka

__________

DIYOS AMA

Sa pag-ibig mong nag-aalab parang apoy
Sa bulaklak na patuloy kong naamoy
Sa aking hiningang hanggang ngayo’y patuloy
Sa ritmong sa tula ko’y pinadadaloy

__________

Sa muling paggising sa isang umaga
Sa sariwang hanging dulot ay ginhawa
Sa pagpapalang nakahain sa mesa
Halina’t magdasal pasalamatan SIYA

 

 

 

 

 

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: