BUHAY HAYSKUL (Pagpupugay Sa Mga Mahal Kong Guro)

 

Hardpen, 04-23-10

Magiting kong kababata alam kong iyong nauunawaan,
kung bakit sa nagdaang panahon ay naging madalang,
pagpalaot ko sa dagat ng patula nating kuwentuhan,
at marami na sa tula mo ang di ko pa natutugunan.

Subalit sa wakas heto ako’t muling sumasagwan,
muling sumampa sa bangka na panahong nagdaan,
upang maglayag sa malalim na dagat ng karanasan,
at muling maipagpatuloy ang ating kuwentuhan.

Kukwentuhan kita ngayon tungkol sa dalawang ginang,
Mrs. Gubi at Mrs. De Villa kanilang mga pangalan,
hey ‘mate huwag sanang isiping sila ri’y niligawan,
mga guro ko sila, ika nga’y pangalawang magulang.

Si Mrs. Gubi ay naging titser ko sa English One,
sa “intricacies” ng English grammar ako’y ginabayan,
magaling siyang guro, marami akong natutuhan,
sa paggabay niya, hilig ko sa English, aking nasumpungan.

Bukod na sa pagtuturo itong si Mrs. Gubi ay magaling,
may isang bagay pa sa kanya ang hindi ko puedeng limutin,
iyon ay ng minsan ako’y tinawag at sa akin ay sabihin,
na natatago kong talento sa English aking pagyamanin.

Sa narinig ko kay Mrs. Gubi labis akong naligayahan,
at sa pag-aaral ay mas lalo pa akong ginanahan,
pagbabasa at pagsusulat lalo kong pinagbutihan,
barkada at pagbubulakbol pilit kong iniwasan.

Simple lang naman ang sinabing iyon ni Mrs. Gubi,
subalit impluwensiya nito sa buhay ko’y napakalaki,
baka kung sa araw na iyon ay hindi niya ako pinuri,
maaaring sa pagaaral ay hindi ako nagpursigi.

Teacher ko naman sa Biology si Mrs. De Villa,
sa school paper naming “The Youth” adviser siya,
mapa English o Science siya ay isang dalubhasa,
maraming-marami akong natutuhan sa kanya.

Kay Mrs. De Villa ay aking ding naramdaman,
pagkilala sa kaunti kong kaalamam at kakayahan
para lamang ako noon bagong sibol na halaman,
unti-unting niyang pinayabong at inalagaan.

Noong ako’y second year high school kanya akong ini-assign
bilang “associate editor” sa pahayagan ng aming paaralan,
bali-balikong English grammar ko ay kanyang pinagtiyagaan,
upang mahasa sa pagsulat ako’y kanyang ginabayan.

Doon sa aming school ay matagal ng nakagawian,
Editor-in-chief, fourth year class, pinanggagalingan,
posisyong iyon napasakin kahit ako’y 3rd year lang,
dahil itong si Mrs. De Villa ako ay pinagkatiwalaan.

Mrs. Gubi at Mrs. De Villa, maraming salamat,
dahil sa inyo, sa pag-aaral ako’y nagsumikap,
tiwala sa sarili tinulungan ninyo akong mahanap,
bahagi kayo ng mga tagumpay na aking natanggap.

Sa ibang mga guro ko, kayo rin ay pinasasalamatan,
sa inyong lahat marami din akong natutuhan,
lahat kayo’y naging gabay ko sa aking kabataan,
simpleng tula na sa inyo nakaalay, sana’y magustuhan.

Sa tulang ito nais ko na rin sanang iparating,
Sa alma matter ko ang personal na paumanhin,
October 3, 1983 noong kita’y di sinadyang guluhin,
dahil aktibismo sa pagkatao ko ay biglang nagising.

Ang pinangunahan kong rally, iyon alam ko ang dahilan,
kung bakit lahat ng grades ko 5 points ay binawasan,
tuloy hindi nangyari pangarap na maging valedictorian,
buong pusong tinanggap ko iyon bilang kaparusahan.

Community High School, sa San Luis, Batangas, aking paaralan,
St. Blaise Academy na ngayon ang kanyang pangalan,
sa mahabang panahon lupa mo’y di pa muling natutungtungan,
alma matter ko, isang araw, kita’y muling papasyalan.

%d bloggers like this: