FACEBOOK… ang bago kong Kasintahan!

Tibong Cagayano, 03-07-10
fb

Hardpen, Peeker, Quijano de Ilocandia… ano man iyong pangalan,
hayaan mong ipakilala ko sa iyo ang bago kong kasintahan,
ilang buwan pa lang kaming magkasama at naglalandian,
sa aking palagay, fling na ito ay matatagalan!

Simula ng ako ay mapadpad dito sa Inglatera,
mga matatalik kong kaybigan sa Pinas di ko na nakita,
wala rin akong maituturing ditong mga barkada,
pagkat laging busy sa trabaho at pag-aalaga ng mga bata.

Para akong kuting na nahulog sa kumunoy,
hindi makaahon kahit ano pang gawing langoy,
dito sa kinapadparan kong lugar na malayo sa mga Pinoy,
talaga namang napakalungkot, ang buhay walang kalatuy-latoy.
Buhay ko naman dito ay masagana at maligaya,
sapagkat kapiling ko nga buo kong pamilya,
sapat na iyang bumura sa ano mang pangungulila,
na nararamdaman tuwing mga kaybigan ay naa-alala.

Subalit human nature ang sabi nga nila,
na tayo ay maghanap din ng mga taong nakakasalamuha,
mga taong kauri at kaparehas ng ating wika,
hindi mga ibang lahi o mga taong banyaga.

Mabuti na lang at may social networking,
na binuo nitong mga taong sa computer ay magagaling,
kahit papaano mayroon na rin akong nakakapiling,
sa mga oras na ako’y hindi makatulog ng mahimbing.

Nagsimula akong kay FRIENDSTER ay makipag-landian,
ngunit sa di alam na dahilan, sa isa’t isa kami ay nagpaalam,
parang magsiyotang naghiwalay matapos magmahalan,
pagkat puso kong palikero ay may ibang natipuhan.

Simula kasi nang biyuti ni FACEBOOK ay masilayan,
hindi na mapakali ang puso ko sa nararamdaman,
agad-agad ko itong nilapitan, sinuyo at niligawan,
salamat naman at ang paglalandi ko’y kanyang pinaunlakan.

Sa mga unang araw ng aming pagsasama,
pagmamahal niya’y hindi ko masyadong madama,
marahil dahil bago pa lang kaming magsiyota,
pinag-aaralang mabuti ang galaw ng bawat isa.

Kalaunan nagkahulian ang aming damdamin at paghanga,
naging maayos at maligaya ang aming pagsasama,
bawat haplos ko sa kanyang mga makikinis na tiklada,
mga mensahe ko’y mabilis na pinaabot sa mga kakilala.

Para akong idinuduyan sa kalangitan,
kung saan ang mga anghel ay nag-aawitan,
kaysarap-sarap talaga ng aking pakiramdam,
tuwing ako ay uuwi at siya ay mahawakan.

Pangungulila ko sa mga dating kakilala ay naibsan,
sa tulong nitong bago kong malanding kasintahan,
pati mga dating kaklase sa mga lumang paaralan,
na-meet ko silang muli at nakabalitaan.

Mga larawan ko ay masinop niyang inalagaan,
inilagay sa kanyang PHOTO ALBUM at pinagyaman,
buong pagmamalaki niya itong binubuksan,
sa bawat kaybigang dumalaw sa aming tahanan.

Hinahayaan din niya akong malayang makapagsulat,
sa pahina ng mga NOTES niyang mistulang aklat,
dito ko lahat madamdaming isinisiwalat,
mga kwento ng buhay kong sa akin ay magpapasikat.

Sa lahat ng mga okasyong mahahalaga,
kinukunan ko ito ng mga videong magaganda,
buong ingat niya itong ie-edit tapos ilalathala,
lalapatan ng musika at ilagay ng maayos sa VIDEO box niya.

Buong lambing din niya akong pinasisilbihan,
tinatanggap niyang lahat mensahe ng mga kaybigan,
sa NOTIFICATIONS niya sa akin ay pinaparamdam,
ng makita ko agad at buong sabik ko itong mabuksan.

Ang kasintahan kong ito ay sadyang napakabuti,
ni hindi marunong magselos at magdalamhati,
kahit pa nga ako ay malimit na pinuputakti,
ng mga naggagandahang dilag na gustong bumati.

Lahat ng mga nag-iimbita at nais makipagkaybigan,
buong-puso niya silang tatanggapin with open arms,
sa FRIEND’s LIST niya ililista lahat ng mga pangalan,
walang hinihindian, lahat kanyang pinagbibigyan.

Mayroon din siyang pinagkaka-ingatang sulok,
kung saan niya itinatago mga paborito kong tugtog,
ang kanyang MUSIC box kapag iyong hinalughog,
pihadong mapapaindak ka sa mga magagarang tunog.

Hindi lang pagtanggap ng kaybigan ang sa aki’y pagsisilbi niya,
FRIEND SUGGESTION ay kanya ring ipinapakita,
gusto talaga niyang dumami ang aking mga kilala,
at tuluyan akong malunod sa tuwa hatid ng pakikisalamuha.

Naglagay din siya ng isang napakalapad na dingding,
kung saan lahat malayang magsulat at mag-alay ng bituin,
sa dingding na yan lahat ng kaybiga’y pwede kong sagutin,
pagkat sa WALL na ‘yan lahat ay pwedeng tumingin.

Sa pagnanais niyang ako’y personal na makilala,
ng ibang mga tao bago ako anyayahang maging kaybigan nila,
naglaan siya ng INFO box na kahit sino pwedeng makakita,
mga bagay na tungkol sa akin, ako ba’y gusto nila.

Kung may mga mensahe namang For my Eyes Only,
sa kanyang INBOX ay pwede kang send message to me,
ako lang ang makakakita at makakabasa ng iyong mensahe,
di ba ang bait-bait niya, binibigyan pa ako ng privacy!

Sa mga oras na ako’y nalulumbay at walang magawa,
alam kong nalulungkot din siya, gusto niya akong magsaya,
kaya naman sa GAMES sinigurado niyang talaga,
na may mapaglibangan ako at tuluyang lumigaya.

Lahat ng mga kaybigan ko’y kanyang naa-alala,
ang buwan at araw ng mga kapanganakan nila,
sa BIRTHDAY notifications malugod niyang ipinapakita,
kung sinong dapat kong batiin sa kaarawan nila.

Talagang kahit na ano, wala sa kanyang nakakaligtas,
lumang mensahe, bagong larawan o anumang aktibidad,
sa kanyang NEWS FEED lahat ng ito sa iyo ay bubungad,
mga pinaggagawa ng mga ‘igan mong sa Facebook din ay bangag!

Ayan ang bago kong kasintahan kaybigan kong katulaan,
hindi nagtagal natuklasan kong siya pala ay salawahan,
puso niya pala’y mapaglaro at todo-bigay kung makipag-landian,
di ko akalaing lahat pala tayo ay kanyang pinatulan!

Wala pala siyang pinipili kahit na sino,
mapalalaki, mapababae, bading man o tibo,
ang importante sa kanya ay walang mabibigo,
lahat ng liligaw… sasagutin niya ng matamis na OO.

Datapwat siya ay salawahan at maraming kasuyo,
nagpapasalamat pa rin ako at siya ay nakilala ko,
dahil kung hindi, mananatiling mga kaybigan ko’y nakatago,
parang mga misteryong di ko maaninag kahit na anino.

Kaya sa iyo Biyutiful FACEBOOK na aking kasuyo,
ako’y nagpapasalamat sa kaibuturan ng aking puso,
handa akong maging isa lang sa marami mong mga kalaguyo,
huwag mo lang akong iiwan at huwag sa akin lalayo!

%d bloggers like this: