KABIYAK ng aking PUSO ….. pakilala ko sa iyo.

Tibong Cagayano, 02-10-10

Bago ako mag-komento, sa tula mong pang-pito,
basahin mo muna ito, ang aking pang-walo.
mapagmahal kong asawa, ‘pakikilala ko sa ‘yo,
huwag mag-alala, lahat ng sasabihin ko’y pawang totoo!

Iyong nabanggit sa pang-apat mong tula,
na masuwerte ako sa aking napangasawa.
sa tinuran mong yan, lalo mo akong pinahanga,
di ka lang makata, manghuhula ka pa.

Di ko alam kung siya’y iyong kilala,
palagay ko hindi pagkat di natin siya ka-eskwela.
sa Lal-lo Central School, tayo noo’y nag-aral,
siya nama’y doon sa Paaralang Elementarya ng Maxingal.

Pangalan niya ay MAGDALENA, MAGIE ang palayaw niya.
di siya yung makasalanan sa Biblia, bagkus, tapat na asawa.
ako lang naging BF niya, ikaw kaya’y maniwala?
una’t huli niya akong siyota bago naging asawa.

Kung ganda ang pag-uusapan, biyuti niya’y Mona Lisa,
sa ugali naman, mabait at pasensiyosa,
bilang asawa, ako ay “spoiled” sa kanya,
sa mga anak namin, “champion” siyang ina!

Iyo ring nabanggit, videos naming naka-post,
nakita mo sa YouTube, “bonding moments” nami’y pinanood.
di ka nagkamali, pagsasama namin ay maluwalhati,
“smooth-sailing” nga sa iyong pagkasabi.

Iba rin siguro talaga kapag ang napangasawa,
ay kababata mo at matagal nang kilala,
magkasundo sa lahat ng bagay, nagmamahalang tunay,
pagsasama sa buhay, langit ang kapantay.

Pagsasama namin hindi rin naman perpekto,
mayroon ding mga sigalot na dumadapo.
pero ano ka? siya palagi ang sumusuko,
sadyang di niya matiis na masaktan ako!

Ganyan siya sa akin, malambing ang tono.
pag masakit aking ulo, minamasahe niya ito.
pag gutom naman ako, kanyang ‘pinagluluto,
pati nga utot ko, ang amoy sa kanya’y mabango!

Di naman siya mang-aawit pero ako’y kinakantahan,
pag nahirapang makuha ang tulog, kanyang inaawitan.
tinig niya sa aki’y napaka-lambing ng dating,
parang umaawit na anghel sa kalangitan natin.

Lahat ng aking pagkukulang, ito’y kanyang pinupunan.
mga kahinaan ko’y kanyang nai-intindihan.
malakas ko ngang paghilik, kanyang natitiis,
pagkat sa pandinig niya, ito’y isang “music!”

‘Igan… yan ang misis ko, Maykapal ang nagbigay.
lahat ng katangiang aking gusto, kanyang taglay!
kaya nga ba lagi kong ipinagdadasal,
huwag sa kanya mawalay, pagsasama’y magtagal!

Tama ka ‘igan, napaka-suwerte kong tao,
sa pagkakaroon ng asawang mahal na mahal ako,
kaya nga ba lahat ay gagawin ko,
magkasama lang kami at ang pamilya ay buo!

%d bloggers like this: