… kwentong LIGAWAN (Part 1) (nina Banjun at Magie – High School Memories)

Tibong Cagayano, 03-11-10

kwentong ligawan part 1

Kampupot at kalachuchi… wala akong mga ganyan,
buhay at hininga ko kasi’y nakulong sa iisang bakuran,
kaya pagdating sa mga kwentong may temang kalandian,
wala akong maibahagi sa iyo kaybigan kong katulaan.

Hayaan mong ikaw ay akin na lang bahaginan,
ng isang tulang pinamagatan kong “… kuwentong LIGAWAN,”
isiniwalat ko dito ang aking mga naging karanasan,
noong itong si Magie ay sinusuyo ko pa lang at nililigawan.

♡❤♡❤♡❤♡❤♡❤♡❤♡❤♡❤♡❤♡❤♡❤♡❤♡❤♡❤♡❤♡❤♡❤♡❤♡❤♡

Tahimik at masayang namumuhay ngayon sa Inglatera,
biniyayaan ng Maykapal ng apat na bunga,
dalawampung taon na rin naman kaming nagsasasama,
mula ng ikasal at humarap sa banal na dambana.

Saan nga ba nagsimula ang aming pagmamahalan,
paano umusbong ang pag-ibig na aming naramdaman,
sa aming puso kaylan ba tumama ang palaso ni kupido,
at sa larangan ng pag-ibig di kami nakapagtago?

Atin ngang balikan ang matatamis na ala-ala,
kasama na siyempre mga pangyayaring masasagwa,
sa kwento naming ito tiyak kayo ay matutuwa,
para bang sa komiks lang ito nagyayari at nababasa.

Buklatin nating muli ang mga pahina ng aklat,
“Kwentong Ligawan nina Banjun at Magie” ang siyang pamagat,
dito nakasalaysay mga pangyayaring mae-eklat,
pag inumpisahan, garantisadong di niyo hihintuan ang pagbuklat!

Lahat ay nagsimula noong kami ay nasa hayskul,
magka-batch, magkaklase at magkaybigan noon sa iskul,
hindi laging magkasama at hindi rin naman magbarkada,
laro ng tadhana, naging malapit kami sa isa’t isa.

May isang grupo ako noon na lima lang ang miyembro,
matatalik kong mga kaybigan na puro bohemyo,
medyo may pagkaloko pero hindi naman mga gago,
ako ang kanilang lider kasi akong pinakaguwapo! (Ho..ho..ho..)

Siya naman noon ay mayroon ding mga barkada,
maiingay, madadaldal at talagang mga bungangera,
ewan ko nga ba kung paano siya dun napasama,
pag katabi ko naman kasi, napakatahimik niya! (Ha..ha..ha..)

Nang kami ay tumuntong sa 3rd year hayskul,
tahak naming landas ay biglang nagkabuhol,
sa isang seksyon kami natoka matapos magpa-enrol,
parang mga ibong sa isang sulok kami ay nasukol.

Naging magkaklase kami sa eskwelahan,
malimit pa ngang magkatabi ng upuan,
nangongopya siya sa mga sagot ko sa exam,
ako kasi lagi sa klase noon ang number one!

Ako rin noon ang lagi niyang nilalapitan,
kapag may takdang aralin at sagot ay di niya alam,
ako rin ang napaglalambingan niyang gumawa,
ng mga proyekto namin sa iskul na art ang tema.

Doon din nagsimulang mapansin ko siya,
kagandahan at mga katangian niyang kaaya-aya,
ang halimuyak ng bangong gamit niya,
sa aking pang-amoy parang sa isang diyosa!

Sa kabila ng nakikita kong mga katangian niya,
di ko ito pansin, puso ko kasi’y may bumihag na,
isa sa mga kaklase naming maganda na pinsan pa niya,
ang niligawan ko, sinuyo at inambisyong maging syota.

Hindi nga siya ang pinopormahan ko noon,
kundi ang pinsan niya ang gusto kong alayan ng moon,
siya pa nga ang tulay sa aming harutan at ligawan,
tiga-tago ng mababango at madamdamin kong mga liham.

Kung pinsan niya noon ang aking nililigawan,
masugid niyang manliligaw naman ang matalik kong kaybigan,
tiga-gawa ng love letters at tiga-abot ng regalo, papel ko yan,
sa kanilang ligawan, ako ang nagsilbing tulay at tagapamagitan.

Tadhana ay nagbiro kung ito nga ay matatawag na biro,
ako’y binasted ng pinsan niyang aking sinusuyo,
di ko alam kung hindi niya talaga ako gusto,
ang duda ko noon, mahina talaga ang tulay ko!

Kaybigan ko namang matalik umiiyak na nagsumbong,
mugto ang mata, humarap sa akin at galit na nagtanong,
ano raw ba ang nangyari at sinabihan siya ng NO,
tulay raw ba niya ay mahina at siya’y binigo?

Basted ako sa pinsan niya, kaybigan ko sa kanya’y di pumasa,
mga pangyayaring nagpalapit sa aming dalawa,
naging madalas ang kwentuhan at pagkikita,
na humantong nga sa ligawang pagkahaba-haba.

Pansamantala kong putulin itong aking pagkukwento,
sa puntong ito kukunsulta ako sa aking kabiyak-puso,
sabay muna naming balikan mga ala-ala ng aming kwento,
nang ang karugtong nitong tula ko ay talagang buong-buo.

Ipahinga muna mga mata mo sa pagbabasa,
at asikasuhin mga kaylangan ng mahal mong asawa,
habang kayo ay sabay na namamahinga,
huwag kalimutang antayin karugtong ng aking tula.

%d bloggers like this: