MEDYO SERYOSO PA RIN… (Kaunting Liwanag)

Hardpen, 02-19-10

Katotong katulaan iyo sanang ipagpaumanhin,
kung may katagalan bago tula mo’y tugunin,
medyo lamang nalubog sa maraming gawain,
kaya nga’t pang-onse pa lang itong kakathain.

Mga tula mo sa nakaraan aking binalikan,
isa na ung noo’y meron ka rin hinangaan,
inamin mo rin “also for the spirit of fun,”
walang malisya, katuwaan lang naman.

Sa iyo noon ay aking ibinunyag ang pangalan,
nang kaklase natin na aking talagang nagustuhan,
pagtitiwala kong iyon iyo namang sinuklian,
ng banggitin kung sino sikreto mong natipuhan.

At nang sa isang tula mo’y sinimulang ipakilala,
ang pinakamamahal mo’t itinatanging esposa,
kuwentuhan nati’y biglang naging seryoso na,
hangga’t dumating tula mong pang labing-dalawa.
Doo’y binanggit mo na hindi na magbababo,
naunang sa aki’y naibigay mong mga payo,
lubhang naging matigas ang paninidigan mo,
na sa piling ng aking kabiyak ay manatili ako.

Ipagpaumanhin mo aking katotong katulaan,
kung ang sarili ko noo’y di na napigilan,
ilahad sama na loob na sa kanya’y naramdaman,
lubha kasing sa sitwasyon namin ako’y nasaktan.

Batid ko naman na ang sagutan ng mga tula natin,
kanya itong nababasa di man niya aminin,
lubha nga akong nagtataka sa mga napapansin,
nagiging maayos ang pakikitungo nya sa akin.

Nahihiya man ako di ko naman pinagsisihan,
na maikuwento sa iyo sigalot na pinagdadaanan,
sa pamamagitan ng mga tulang ating pinagpalitan,
mga saloobin ko at himutok kanya ng nalalaman.
 

 
Sana lang mga pagbabagong sa kanya’y nakikita,
“not a flash in the pan,” bagkus ay tuloy-tuloy na,
batid ko naman, mula noon, na mabuting tao siya,
at nararamdaman ko naman na ako’y mahal niya.

Nabanggit sa panimula ng tula mo ukol sa England,
mga luha sa mga mata’y akin na ngang pinunasan,
mag-isip nga tayo ng kuwentong mapagtatawanan,
upang isip at damdamin muli nanamang gumaan.

%d bloggers like this: