para sa iyo ATE VIVIAN 

Tibong Cagayano, 02-24-10

Salamat ‘mate sa mga payo mong binitawan,
sigurado akong natuwa si Ate Vivian,
may balak yata siya talagang subukan,
paggawa ng tula gawin niyang libangan.

Kaya bago ko ipadala ang tula kong ginawa,
na pasasalamat sa iyo ang siyang paksa,
hayaan mo munang ako rin ay magsalita,
gusto ko ring magpayo kay Bianang Taba!

Ikaw ba talaga ay seryoso mahal kong utol,
sa paggawa ng tula gusto mo ring pumatol,
pati kaybigan kong sa problema’y nagmamaktol,
binulabog mo, di tuloy makapagbulakbol!

Ayan… iyong nabasa ng buo,
mga payong nagmula sa makatang totoo,
pag-aralan at limiin mo lahat ng ito,
makakatulong ng malaki sa iyong plano.

Pasalamat ka at kaybigan ko’y mabait,
kanyang dunong ay hindi ipinagkakait,
kaya simulan mo na ang paggawa ng maririkit,
na mga tulang sa aming dalawa ay aakit!

Pero bago ka magsimula makinig ka muna,
sa mga sasabihin nitong kapatid mong dukha,
nasa iyo na kung papapasukin mo sa butas ng ‘yong tenga,
mga babanggitin nitong malaki kong bunganga.

Noong nagsimula akong kumatha at magsulat,
wala naman akong mga librong binuklat,
di rin ako kumunsulta sa mga sikat na manunulat,
sulat lang ng sulat, tapos… pipili ng salitang ilalapat.

Sa akin kasing personal na paniniwala,
istraktura ng tula ay di gaanong mahalaga,
kanya-kanyang istilo at panlasa sa paglikha,
basta ba ang sulatin ay mayroong paksa.

Ang tula kasi para sa akin,
ay tulad ng isang panliligaw na taimtim,
salitang gamit ay kaylangang piliin,
upang iniluluhog na damdamin ay dinggin.

Mas naiiba, sa tingin ko mas maganda,
sarili mong istilo, tatak ‘yan ng iyong likha,
ang tula sa akin ay parang isang lagda,
pag binasa, alam agad kung sinong may-akda.

Para sa mga tulad nating bagito,
masarap na sa pakiramdam ang makabuo,
ng tulang masasabing gawa mo,
para na tayong naka-apak nyan sa paraiso.

Magsimula ka ng dahan-dahan,
tapos… unti-unti mo itong dugtungan,
kapag nahasa na ang iyong isipan,
makakagawa ka rin ng tulang mainam!

Kapag ikaw na ay nakabuo,
ng tulang bunga ng sarili mong talino,
huwag mahiyang ipabasa ito,
makinig kang mabuti sa mga kritiko.

Sa lahat ng magbibigay ng komento,
tanggapin mo ito ng buong-puso,
positibo, negatibo o pakunswelo de bobo,
sa susunod mong pagkatha makakatulong mga ito.

Ayan… mga payo ng dalawang magkatoto,
isang tunay na makata at isang bagito,
kung gusto mo pa ng dagdag na kuro-kuro,
magsimba ka at makinig sa paring nasa palpito!

Sa pambungad kong talata, tawag ko sa iyo ay Bianang Taba,
di ka pa man nagsisimula may Alias ka na sa pagkatha,
di ba isa itong napakagandang ideya,
gamitin mo itong lagda sa lahat ng iyong likha

%d bloggers like this: