PARA SA IYONG ATE VIVIAN

Hardpen, 02-22-10

Katotong katulaan ako’y iyo munang pahintulutan,
papalaot palayo sandali sa ating kuwentuhan,
gusto ko kasing tulungan natin iyong Ate Vivian,
ang paggawa ng tula yata ay kanyang susubukan.

Salamat ng marami sa papuring sa “notes” mo’y tinuran,
na kami ni Banjun ay matalino at magaling sa tulaan,
batid kong matalino ka rin, tiyak pagtula’y matutunan,
basta’t magtiyaga ka lang at pagkatha nito’y tutukan.

Ang pagkatha ng tula’y di naman mahirap gawin,
buksan mo lang ang isip at ang iyong damdamin
at sa dulo ng gamit na pluma ay iyong padaluyin,
mga naiisip at nadarama na gusto mong sabihin.

Kung tula’y nais sumunod sa nakatakda nitong istraktura,
kumuha sa silid-aklatan, o bumili, ng libro sa literatura,
matamang basahin mga alituntunin sa paghahabi ng tula,
tiyak na sa kalaunan magiging magaling kang makata.

Maari kasi na ang tula na hahabiin ng makata,
ay istriktong sumunod sa takdang sukat at tugma,
maaari din naman na kung kanyang kagustuhan,
makata’y sumunod na lang sa malayang taludturan.

Kami ni Banjun istraktura’y di binibigyang pansin,
kuwentuhan lang naman kasi ang hinahabol namin,
subalit kung kami ng katoto ko ay biglang hamunin,
pagsunod sa takdang istraktura pihadong kakayanin.

Sa Diyos mananalangin na sana’y iyo nang simulan,
paghahabi ng tula buong tapang mo nang subukan,
kami ni Banjun, malugod ka naming inaanyayahan,
sumali sa umaatikabo naming mga kuwentuhan.

Kung sa una’y mahirapan sa pagsusukat at pagtutugma,
Maari namang sa malayang taludturan ka muna magsimula
may tula akong puede mong tignan bilang halimbawa,
pamagat “Parang Hangin” sa aking FB Notes mo makukuha.

Hala, sige, magmadali, pluma mo ay iyo ng hagilapin,
isang tahimik at maaliwalas na lugar, iyong tunguhin,
unang tula’y pag-isiapan at simulan mo ng habiin,
kami ni Banjun, buong sabik, na iyan ay hihintayin.

———-

%d bloggers like this: