SERYOSONG KUWENTUHAN – 3

Hardpen, 02-13-10

Sa larawan mo sa tula medyo ako natakot,
parang asong tumakbo, bahag ang buntot,
heneral ka’t ako’y sundalong kaylangang sumagot,
bartolina ang aabutin kung sagot ay baluktot.

Naalaala ko tuloy iyong Pastor kong kaybigan,
kapag sablay ang nasabi akmang ako’y babatukan,
ngunit katulad mo ring tigib ng “words of wisdom,”
sa “decision making” mga salita niya’y pinagbabatayan.

Sa tula mong “Part 10,” ang payo mong binitawan,
problema ko ay harapin… hindi dapat iwanan.
Sa “Part 11,” karugtong ng payo ay iyong tinuran,
na ako, kaybigan, ay walang dapat na iwanan.

Katoto kong katulaan pasasalamat ay tanggapin,
mga payo mo’y tigib sa aral, tumimo sa damdamin,
asahan mong sa ano mang desisyon na aking gagawin,
mga tinuran mong payo kaylan ma’y di lilimutin.

Ituloy nga natin ang nasimulang kuwentuhan,
sa “married life” nating mag-kaiba ang tinakbuhan,
ilan mga punto mo sa dalawang tulang nakaraan,
hayaan mong bigyan ko ngayon ng kasagutan.

“Dysfunctional” nga ang pamilyang aking pinanggalingan,
kaylan ma’y di pinangarap na iyon din ang hahantungan,
kaya nga’t sa bawat unos at gusot na aming pinagdaanan,
ako ang nagtiis, nagpakumbaba, upang iyo’y malampasan.

Ang palaging sinasabi ng aming mga kaybigan,
pagpasensiyahan ko siya dahil “insecure” lang,
hanggan ngayon kasi kami’y di pa nabibiyayaan,
ng supling na magpapatatag ng aming samahan.

Sana lang talaga ay puede kong sabihin lahat,
kung puede dito pasani’y detalyadong ipagtapat,
kung buhatin mo sandali krus sa aking balikat,
mauunawaan kung bakit lungkot sa puso’y lumiligwak.

Kaybigan ginawa ko nang talaga lahat ng paraan,
sige, tatanggapin, kung sasabihing ako’y talunan,
ngunit ang pagtitiis ay mayroon ding hangganan,
sapat na ang “cince años” na siya’y pinagbibigyan.

Kung mahal ko pa siya iyan ay iyong itinanong,
kung hindi’y magtitiis ba ng labinlimang taon,
at kung sa puso niya ako pa ba’y naroroon,
bakit singsing sa daliri’y itinago o itinapon

Noong pinag-usapan natin ang iyong desisyon,
ukol sa iyong pamilya at sa iyong ambisyon,
bukal sa puso ko lahat ng tinuran sa iyo noon,
limiin mo’t iba naman kinasadlakan kong sitwasyon.

Hangga’t maari naman ay ayaw ko pa rin,
tuldukan ang kasaysayan ng pagsasama namin,
mangibang-bansa, kung kaloob ni Lord, ay aking gagawin,
baka panandaliang paghihiwalay ay makatulong sa amin.

Ang lahat ng desisyon na aking balak gawin,
inilapit sa Panginoon, laging ipinapanalangin,
lahat ng mga payo ay akin ring didinggin,
pagkukuwento sa “married life” ko dito na tatapusin.

%d bloggers like this: