Tugon Sa Iyong Pasasalamat

Hardpen, 02-28-10

Tula mong Part 18, muli kong binalikan,
pasasalamat mo doo’y dapat kong tugunan,
at dahil papuri sa tula mo ako’y ginawaran,
di man hinihingi kita’y dapat ring pasalamatan.

Di ka yata sa bulkang Mayon dapat ihalintulad,
dahil bulkang Pinatubo ang iyong kasukat,
iyong nasa Bicol kasi ay madalas sumambulat,
ang sa Zambales, minsan lang, ngunit nakakagulat.

Parang bulkang Pinatubo bumilang ng daang taon,
bago pinakawalan ng todo ang puwersang inipon,
diyan maihahalintulad ang sa iyo’y nangyari ngayon,
sa pagkatha ay naghintay lang ng tamang panahon.

Alam na natin mula noon na ikaw ay matalino,
may alam ka, at di nalalaman, na angking talento,
at ang pagkakatha ng tula ay isa na nga rito,
at nang malaman mo, ako’y ginamit na instrumento.

Ako dito’y may kaybigan na guro sa Pilipino,
nababasa niya ang mga tula na kinatha mo,
maniniwala ka bang sa iyo siya ay sumasaludo,
di maniwalang sa pagtula ngayon ka lang natuto.

Totoo kasi ‘mate na hindi talaga kapani-paniwala,
na baguhan ka nga lang sa paghabi ng mga tula,
dahil kung pag-aaralang mabuti ang iyong katha,
ako ma’y magsasabing isa kang tunay na makata.

Mga estudyante ko dito ay sumusubaybay rin,
batid nga nila ang palitan ng mga tula natin,
ang ilan sa kanila kapag ako ngayo’y kausapin,
patula ang paraang pilit nilang gagamitin.

Nabanggit nilang may angkin kang galing,
mga tulang gawa mo ay kanilang napapansin,
itong ginagawa natin huwag day pagsawaan,
mga tulang gawa natin kanilang aabangan.

Dahil iyong tinatanong sa iyo’y aking sasabihin,
sa pagsulat sino ang nagbibigay inspirasyon sa akin,
siya ay isang diwatang kaybigan sa akin ang turing
siya ang “poetic muse” kong sa Mt. Olympus galing.

Kaybigan sa isiniwalat ko sa nagdaang saknong,
huwag sanang maging malikot iyong imahinasyon,
sapagkat kaybigan ko lang ang diwatang iyon,
batid ng Maykapal siya lamang ay inspirasyon.

Sa iyo kaybigan ay nabanggiti ko na noon,
ano mang kaunting talento meron ako ngayon,
mga ito’y regalo nanggaling sa Panginoon,
pinipilit pagbutihin sa pagdaan ng panahon.

Sige na kaybigang alyas TIBONG CAGAYANO,
at kung bakit napili mo iyan bilang “pen name” mo
alalahaning nangako ka na iyan ay ikukuwento,
buong pananabik na iyan ay aabangan ko.

 

%d bloggers like this: