Pintaserong Butanding

Disney-Finding-Dory-DESTINY

Sa Piling Ng Mga Hayop 12)

Heto nanaman katoto n’yong bubuyog
Sa himpapawid muli’y pumaimbulog
Tumawid ng dagat at nang mapagod
Lumapag sa batuha’t namahinga’t natulog

Nang ako’y gumising aking natanawan
Ang mamang pagong balak akong puntahan
Nang ‘di mapagod akin s’yang nilapitan
At masaya kaming nagkakwentuhan

Ang pugita’y sumali sa ‘ming umpukan
Maging ang tuna’t barkada n’yang tulingan
Nakabaong kabya’t kabibe ay nagparamdam
Nais ding makibahagi sa aming usapan

Masaya kaming lahat nagkumustahan
Manghang may bubuyog na doo’y nadaan
Ngunit nang butanding kanilang natanawan
Biglang tahimik at iba’y nagpulasan

“Hoy mamang bulinggit na malaki ang tyan.”
Wika ng butanding nang ako’y matanawan
“Bakit ang nanay mo dwende napaglinhan
Kung gusto mo cheryfer kita’y reregaluhan”

Pulaero’t butangero ang butanding
Mukhang bisyo n’ya na ang kapwa’y laitin
Nang iyon sa akin ay kanyang sabihin
Nagulat ako’t tenga’y biglang nagpanting

Wika ng pagong h’wag ko na daw pansinin
Ganun talaga ang ugali ng butanding
Sobra-sobra kung kapwa n’ya ay laitin
At ang tingin sa sarili siya’y artistahin

Sinipat ko ang pintaserong butanding
Kinilatis kung siya nga ay artistahin
Nang makita ko “Oh Diyos na mahabagin!”
Kahawig n’ya si Babalu kung tutuusin

Makinig ka ha pintaserong butanding
Bumili ka nga ng malaking salamin
Bago ang nakapaligid sa iyo ay laitin
Iyang baba mo muna ay iyong tabasin

Baba mo kasi’y matulis at matalas
Noong una nga inakala kong balbas
Ang payo ko sa pagyuko ay magingat
Baba mo’y baka sa dibdib mo tumarak

Mamang butanding katawan mo’y pagmasdan
Katulad ko’y malaki rin ang iyong t’yan
At ang kanina’y kausap kong tulingan
Sinabing ikaw pala’y dakilang batugan

At narinig ko winika ng kabibe
Nagsasya-shopping ka sa sosyaling palengke
Pinangangalandakang bumili ng ganito’t ganire
May kayabangang ka daw sabi nung ale

Pintaserong butanding h’wag magagalit
Sport ka dapat kung mahilig manlait
Kapag pamimintas sa ‘yo ibinalik
Sa galit baba mo sana’y h’wag manginig

%d bloggers like this: